Sinita pero iniwan ng dalawang motorista sa magkahiwalay na insidente ang mga nanitang awtoridad sa EDSA busway, kabilang ang isang driver ng sasakyang may plakang 8 para sa mga kongresista.
Sa bahagi ng Pasay City ng EDSA busway namataan ang sport utility vehicle (SUV) na may plakang 8, base sa ulat ng Super Radyo dzBB.
Inakala raw ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na titigil at tatabi ang SUV, pero dumiretso lamang ito at hindi na nahabol pa ng awtoridad.
Patuloy na inaalam ng Department of Transportation (DOTr) kung sino ang driver at ang nagmamay-ari ng sasakyan.
Hindi kabilang ang mga kongresista sa mga pinahihintulutang dumaan sa busway.
“‘Yung sa number 8 na tumakbo, so ang LTO at the moment, chinecheck nila through the conduction sticker kung sino talaga ang nagmamayari ng sasakyan na iyon. It's being processed by our people in LTO," sabi ni Jesus Ferdinand Ortega, Undersecretary ng road transport and infrastructure ng DOTR, sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras" nitong Biyernes.
"We have not distributed the official protocol plates yet. We are not sure if all the old plates have been turned over to us as some Congs, particularly those who were not elected to the 19th Congress have probably decided to keep their own protocol plates," saad ni House of Representatives Secretary General Reginald Velasco sa isang pahayag.
Samantala, isa pang motorista ang hinuli nang dumaan siya sa EDSA busway sa bahagi ng Makati City. Ang driver, nagpakilalang miyembro umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing hiningi ng mga tauhan ng Highway Patrol Group ang kaniyang lisensiya, pero ipinakita niya lamang ito at hindi ibinigay.
Dagdag pa niya, isa siyang Filipino-American at hindi maaaring tiketan, bago siya umalis.
Nagmungkahi ang DOTr na dapat maglabas ng show cause order ang Land Transportation Office laban sa motorista.
Sa Cubao, Quezon City naman, sinita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang van na namasada nang walang prangkisa.
Bukod sa pagiging colorum, natuklasan ding peke ang lisensiya ng driver, na tumanggi pa umanong magpatiket at magpa-impound ng sasakyan.
Ang may-ari ng van na si alyas "Jazz Abalos" ay nagpakilalang kamag-anak ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Pero ayon kay Secretary Abalos, wala siyang pakialam kung kamag-anak man niya ang may-ari ng van.
Sinampahan na ng patong-patong na reklamo ang driver at may-ari ng van. Kapwa silang tumangging magbigay ng pahayag.
Samantala, humingi ng paumanhin si Senator Chiz Escudero sa publiko at sa mga kasamahan sa Senado matapos amining sa kaniya ang nakarehistro ang SUV na may plakang “7” na hinuli ng mga awtoridad nitong Huwebes dahil sa pagdaan sa EDSA Busway.
Sa ulat din ni Oscar Oida sa 24 Oras nitong Biyernes, mapapanood na iniisyuhan pa lamang ng MMDA ang driver ng SUV matapos pumasok sa EDSA Busway, nang nagmaneho ito palayo.
Ang “7” ang numero ng protocol license plate para sa mga senador.
"In the morning of 11 April 2024, a vehicle bearing protocol license plates issued to me was apprehended by the MMDA for improperly using the bus lane on Edsa. The use of the protocol plate was unauthorized, as the vehicle was being driven by the driver of a family member," sabi ni Escudero sa isang pahayag.
“The No. 7 protocol plate was also abused because vehicles with these plates are not allowed to use bus lanes,” pag-amin pa ni Senator Escudero.
Dahil dito, inutusan na ni Escudero ang driver na humarap sa MMDA at sagutin ang mga reklamo dahil sa paglabag.
“I do not personally use the protocol license plates issued to me, and forthwith the protocol plates involved in the incident will be surrendered to the [Land Transportation Office],” ani Escudero.
Tiniyak din ni Escudero na magagamit nang tama ang mga protocol plate na inisyu sa kaniya, base sa nakatakdang kautusan ni Pangulong Marcos.— Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News