Nagbabala si Speaker Martin Romualdez laban sa mga mapagsamantalang nangangalakal at middleman na tinawag niyang "masyadong matakaw sa kita" kaugnay sa pagmahal ng ilang pangunahing bilihin.
Ginawa ni Romualdez ang babala kasunod ng resulta ng isinagawang imbestigasyon ng House committee on trade and industry, na malaki ang deperensiya sa farm gate price ng mga agricultural product at iba pang pangunahing bilihin, kumpara sa retail price o presyo mismo sa merkado.
“Sa mga profiteering traders, middleman, na masyadong matakaw sa kita nila...bantay na lang tayo. Moderate your greed. Try to be more reasonable,” sabi ni Romualdez sa pulong balitaan nitong Lunes.
“Masyadong malawak ang pagitan ng farmgate price sa final selling price. Nasasaktan talaga ng mga consumer, and perwisyo rin sa mga farmer. We are sad about the results of the inquiry,” dagdag pa ni Romualdez.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Director Junibert de Sagun, ng Department of Agriculture’s (DA) agribusiness and marketing service (AMAS), na maraming nakakaapekto sa pinal na presyo ng mga produkto.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
- gastos sa processing, transportation at marketing ng magsasaka at consumer
- market demand
- supply chain
- marketing (intermediary) margin
- weather condition
- market competition, at iba pa.
Iminungkahi naman ni DA Assistant Secretary Paz Benavidez II, na mabigyan ang kagawaran ng buffer fund para gamitin upang bumili ng bigas at iba pang basic commodities para sa stockpiling.
Ang naimbak na produkto, maaari umanong ibenta sa merkado kinalaunan sa mas mababang presyo para matugunan ang price manipulation sa ilalim ng Price Act.
“We will have the buffer fund, and we will make sure that sensitive products, including rice and corn. We cannot directly involve the NFA [sa pagbenta ng bigas] because there is still a question whether the NFA can sell, but we included [sa IRR] that the NFA can sell rice to Kadiwa [booths] on the condition of the Price Act...to address unreasonable prices and address hoarding and price manipulation,” ani Benavidez.
“The condition provided by the Price Act is if there is unreasonable pricing. Because for the NFA, their buffer stock is for emergencies, calamities, not manipulation of prices. It is stated there [sa IRR] that upon determination of the local price council, the DA can release the stockpiles for sale, sa mababang halaga, to stabilize the price,” dagdag niya.
Pero hindi lubos na nasisiyahan si Romualdez sa naturang mungkahi, at nagpahayag din siya ng pagkadismaya sa Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa 'di maawat na mataas na presyo ng mga bilihin.
“We are sad at the results of the hearing today and we saw that the DA, and the DTI...they don’t have an immediate solution for this,” anang lider ng mga kongresista.
“They are requesting for funding for buffer stocking, pero matagal ito bago magkaresulta. Mas maaga, mas maganda. That is why we are finding ways to address the trend of rising retail prices as against [unchanged] farmgate prices,” paliwanag ni Romualdez.--mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News