Naghain nitong Martes si Claudine Barretto ng reklamong cyber libel laban kay Cristy Fermin at sa co-host nitong si Romel Chika o Romel Villamor sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, iniulat ni Tito Boy na naging sukdulan na para kay Claudine ang patuloy umanong paninira sa kaniya ni Cristy simula noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng aktres na mas mabibigat umano ang mga salitang binitiwan ni Cristy laban sa kaniya kumpara sa mga sinabi nito sa iba pang personalidad gaya nina Bea Alonzo at Sharon Cuneta, na nagsampa rin ng mga reklamong cyber libel.
Sinabi naman ni Cristy na handa siyang harapin ang reklamong isinampa ni Claudine.
"See you in court," ang sabi umano ni Cristy, batay sa iniulat ni Tito Boy.
Noong Mayo 2024, nagsampa si Bea ng reklamong cyber libel laban kina Cristy, Ogie Diaz, at sa kanilang mga co-host sa kani-kanilang programa.
Ayon sa complaint affidavit ni Bea, naging biktima siya ng mga mali, malisyoso, at mapanirang mga impormasyon mula sa isang taong nagpanggap na malapit sa kaniya. Inilathala at tinalakay umano ang mga ito sa mga online show nina Ogie at Cristy nang walang sapat na batayan.
Noong Hulyo 2025, naglabas ang Quezon City Regional Trial Court ng mga warrant of arrest laban kina Fermin, Villamor, at Alvarez. Nang sumunod na buwan, naglagak sila ng tig-P48,000 na piyansa.
Kalaunan, binawi ni Bea ang kaniyang kaso laban kay Cristy matapos na mag-post ng paghingi ng paumanhin ang host sa vlog nito.
Nagsampa rin ng reklamo laban kay Cristy noong 2024 si Sharon Cuneta at ang kaniyang asawang si Senator Kiko Pangilinan, "for broadcasting baseless and malicious statements regarding their personal and family affairs."
Nagsampa rin ng reklamo noong taon ding iyon si Dominic Roque, ang dating fiancé ni Bea, dahil sa umano’y “mapanirang mga pahayag at parinig.” —Nika Roque/FRJ GMA News

