Simula na rin ng pagiging isang recording artist ni Ruru Madrid, na maglalabas ng kanyang dalawang single.

Pumirma ng kontrata si Ruru kamakailan sa GMA Music, kung saan nakatakdang i-release ang mga single niya na "Nawawala" at "Maghihintay."

 

 

Hilig daw talaga ni Ruru ang mga kantang may "hugot."

"Natutuwa ako sa areglo, sa meaning ng kanta na binigay nila sa akin dahil actually, nu'ng first time na pinakinig nila sa akin ito sobrang nagulat ako na parang wow, ang ganda, saka damang dama. Dahil ngayon, alam ko 'yung mga gusto ng mga Pinoy and 'yung mga tao, 'yung may hugot na kanta, 'yung tipong may sakit at maaalala mo 'yung memories ng past na, 'Grabe napagdaanan ko pala ito,' mga ganiyan," aniya.

Katunayan, hindi rin maiwasan ni Ruru na maging emosyonal nang kantahin niya ang kanyang mga single.

"So nakakatuwa na 'yung song na binigay nila sa akin, actually dalawa 'yon and parehas may hugot. Habang kinakanta ko siya naiiyak ako eh."

Lingid sa kaalaman ng marami, si Ruru ang kumanta ng "Sana Sa Huli," na official soundtrack ng dating Kapuso series na "TODA One I Love."

Inilahad din ni Ruru na bago pa man siya magsimula sa showbiz, nakahiligan na niyang kumanta dahil na rin sa mga musikero ang kaniyang pamilya.

Ginagamit aniya ni Ruru ang mga pinagdaanan niya sa buhay para madama ang kaniyang mga kinakanta.

"Tayo naman lahat din, marami tayong pinagdaanan na mga challenges sa buhay natin, not necessarily pagdating sa lovelife... Siyempre sa buhay natin marami tayong challenges kahit sa family, sa work, sa everything na nangyayari sa buhay natin. So du'n pa lang nakaka-relate na tayong lahat," aniya.

"Na minsan nalo-lost tayo, minsan, may mga bagay talaga na kahit na anong gawin mo wala pa ring nangyayari pero kailangan mong maghintay para rin sa tamang moment na 'yun," dagdag pa niya.

Inihayag ni Ruru na ginamit niyang motibasyon ang pagdududa ng ilang tao sa kanyang mga kakayahan para paghusayin pa ang sarili bilang artista.

"Siyempre, ako, aminado naman ako sa sarili ko, kumbaga 21 pa lang ako pero marami nang challenges na pinagdaanan sa buhay kaya masasabi ko na marami na rin akong hugot," aniya.

Kasamang pumirma ni Ruru sina GMA Music Managing Director Rene Salta, A&R Manager Kedy Sanchez, GMA Artist Center Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara at Senior Talent Manager Vic del Rosario.

—KG, GMA News