Tinatayang 48 na tao ang nasawi nang gumuho ang bahagi ng isang highway sa Guangdong, China, dahil umano sa matinding pag-ulan.

Batay sa state news agency na Xinhua, iniulat ng Agence France-Presse, nangyari ang insidente dakong 2:10 a.m. nitong Miyerkules.

Ilang sasakyan ang dumausdos sa bangin na tinatayang nasa 59 talampakan ang lalim.

"Reporters understand from a press conference held by the city of Meizhou, Guangdong, that the highway collapse disaster... has led to the deaths of 48 people," batay sa ulat ng Xinhua nitong Huwebes ng hapon

"In addition, there are three people whose DNA is undergoing further comparison and confirmation," dagdag pa nito, na hindi malinaw kung kasama na ang tatlo sa 48 na nasawi.

Mayroon pa umanong 30 katao ang nasugatan sa insidente.

Iniutos naman ni President Xi Jinping sa mga opisyal na, "go all-out in on-site rescue work and treatment of the injured, and arrange for the management of risks and hidden dangers in a timely manner."

Ilang bahagi ng central at eastern Guangdong ang inulan ng 600 millimeters sa nakalipas na 10 araw, na tatlong beses na mas marami kumpara sa karaniwang buhos ng ulan sa bawat taon, ayon sa national weather office.

Nagpaalala ang mga opisyal sa mga tao na maging maingat sa kanilang pagbiyahe lalo na sa public holidays ngayong Mayo dahil magpapatuloy ang pag-ulan hanggang sa Linggo.

Nitong nakaraang buwan, apat ang nasawi sa Guangdong dahil sa  pagbaha dulot pa rin ng pag-ulan at mahigit 100,000 katao ang inilikas.

Lima naman ang nasawi sa Guangzhou nang tumama ang buhawi. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News