Inilabas na ng Pinoy Pop sensation na SB19 ang kanilang six-track record na "Pagsibol," tampok ang kanilang mga pinagmulan at kung paano sila lumago bilang grupo.

Sa Star Bites report ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing kasama sa naturang extended play album ang kanilang anthemic comeback single na "What?" at ang "MAPA" na alay sa mga magulang.

Kasama rin dito sa album ang electronic dance R&B theme na kantang "Mana," all-English song na "Bazinga," "Ikako," at "SLMT."

Sa kanilang virtual press conference, sinabi ng SB19 member na si Justin, na "Pagsibol" ang kanilang piniling titulo dahil "germination" ang direktang salin nito sa Ingles.

"Pagsibol will talk about our growth, about our journey as SB19 from the beginning up to where we are now today," sabi ni Justin.

Sinabi naman ni Pablo na dynamic ang tunog ng buong EP dahil gusto nilang madama ng listeners ang tila isang rollercoaster ride habang pinakikinggan ang tracklist.

"Ayaw po kasi namin na parang iisa lang yung tunog kapag napakinggan nila 'yung whole EP, gusto namin na parang 'pag nakinig sila the next song will be a different sound from what they have heard doon sa nauna," sabi ni Pablo.

"Gusto namin parang sumasakay sila sa rollercoaster na iba iba 'yung mood," dagdag ni Pablo.

Ipinaliwanag naman ni Justin na magkakakonekta ang mga pakahulugan ng kanta dahil tinatampok dito ang mga pinagmulan ng SB19.

"'Mana' is about reaching high but keeping your feet on the ground, 'Mapa' is about our family, our parents it's like where we came from, 'SLMT' for A'tin who supported us through our journey, 'Bazinga' is for doubters that motivated us to reach high, 'Ikako' is for the frontliners who helped us to continue despite the pandemic," ani Justin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News