Dahil sa matinding init ng panahon, isang babae ang naisipang matulog sa labas ng kanilang bahay sa Quezon City. Pero kinaumagahan, may kakaiba na siyang naramdaman sa loob ng isa niyang tenga hanggang sa makaramdam siya ng matinding sakit. Alamin kung anong insekto ang nakapasok sa tenga ng babae.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng 29-anyos na si Regine Luna, na nagpatulong siya sa kaniyang mga kaibigan nang hindi na niya makaya ang sakit na nararamdaman sa loob ng kaniyang tenga na tila kinakagat.

BASAHIN: Ipis, nangitlog sa loob ng tenga ng lalaki

BASAHIN: Buhay na garapata, nakuha sa loob ng tenga ng bata

Nilagyan ng baby oil ang kaniyang tenga at sinundot-sundot ng cotton buds. Pero nang hindi nawala ang sakit, napilitan na si Regine na pumunta sa health clinic.

Nang silipin ang loob ng kaniyang tenga gamit ang aparato na may camera, nakita na may insekto sa loob nito.

Mayroong dalawang antenna ang insekto, tatlong pares ng paa, at paliit nang paliit ang hugis ng katawan pagdating sa buntot at mabilis kumilos, kung tawagin ito--"silverfish."

Ayon sa Entomologist na si April Musa-Marinay, tumitira ang mga silverfish sa mga lugar na medyo basa, medyo madilim at hindi masyadong dinadaanan ng mga tao, at papel ang higit nilang kainin.

Para mapalabas ng tenga ang insekto, kinailangan itong bombahin ng tubig. Bagaman may takot na baka hindi na siya makadinig, pumayag din si Regine.

At ilang saglit lang matapos bombahin ng tubig ang loob ng tenga, nailabas ang maliit na silverfish.

Ayon kay Regine, guminhawa ang kaniyang pakiramdam at tuluyang gumaling ang kaniyang tenga pagkaraan ng tatlong araw sa tulong ng iniresetang pampatak.

Paalala ng eksperto, maaaring maimpekyon o maapektuhan ang pandinig ng tao kung pababayaan ang insekto o anumang bagay na nakapasok  tenga.

Ano nga ba ang dapat gawin kapag napasukan ng insekto ang tenga? Alamin sa video ang payo ng duktor. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News