Muling kagigiliwan ng viewers ang mga sikat na linya na "Todo na 'to!" at "Go, go, go!" sa pagbabalik-Kapuso ni Rufa Mae Quinto, na isa na ngayong Sparkle star.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagulat din mismo si Rufa Mae sa bilis ng mga pangyayari na isa na siyang Sparkle star.

Ayon kay Rufa, matapos lamang ang ilang pag-uusap sa talent arm ng Kapuso Network, mayroon na agad siyang pa-welcome back bilang Kapuso.

"Laging sakto lahat ng pagbabalik ko. Nagka-management, nagkaroon ng back to GMA," sabi ni Rufa.

"Lumaki rin ako Rufa Mae ako sa GMA, lahat ginawa ko na diyan, magpakain sa buwaya na lang ang hindi," natatawang biro ni Rufa Mae.

"Nag-host ako, nag-sitcom, nag-gag show, naging mermaid, naging Darna," pagpapatuloy pa ng comedianne.

Agad nang sumabak si Rufa Mae sa guestings pagbabalik niya bilang Kapuso, tulad ng "Mars Pa More" at "Family Feud."

Sinabi ni Rufa na tuwang tuwa siya na para lamang itong reunion sa mga dati niyang nakatrabaho sa Kapuso Network.

Mapapanood din si Rufa sa isang episode ng "Tadhana" sa darating na Sabado.

Unang beses makakasama ni Rufa ang co-stars niya sa proyekto, tulad nina Arra San Agustin, Ashley Ortega, Irma Adlawan, Luis Hontiveros at Tober Fabregas.

Samantala, pabalik naman si Rufa Mae sa Amerika dahil may mga gagawin siyang show doon, pero babalik at mananatili siya nang matagal sa Pilipinas dahil na-miss niya ang showbiz.

Pinasalamatan naman niya ang kaniyang asawang si Trevor Magallanes, na supportive sa kaniya.

"Sabi niya 'Sige magtrabaho muna tayo nang todo-todo ng isang taon tapos focus muna doon,'" kuwento ni Rufa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News