"See you in court" ang sagot na mensahe ng Kapuso actress na si Pokwang sa netizen na nag-iwan ng hindi magandang komento sa video post niya ng anak na si Malia.

Nag-ugat ito sa isang video post ni Pokwang sa Instagram na makikita ang kaniyang anak na si Malia, na apat na taong gulang lang.

“I’m smart. I’m Malia. I’m so beautiful and smart. I’m Malia,” saad ng paslit.

 

 

Umani ng libu-libong likes ang naturang post. Aabot naman sa 200 ang komento na karamihan ay nagpapahayag ng katuwaan at pagmamahal sa bata.

Isang komento naman ang hindi pinalampas ni Pokwang. Bagaman burado na ang komento, kinunan ito ng screen shot ni Pokwang at ipinost niya sa Twitter.

“Habang lumalaki, pumapanget gaya ng nanay. Sana ‘wag mamana ugali ng nanay na panget din,” ayon sa komento ng netizen sa video post ni Pokwang.

 

 

Sabi ni Pokwang bilang sagot sa komento: “Nurse ka pala? Noted. See (you) in court (for) bullying (an) innocent child.”

Si Malia ay anak nina Pokwang at American partner Lee O’Brian. – FRJ, GMA News