Nagsilbing inspirasyon ang magaling na pagganap ni Andrea Torres bilang si Sisa, nang iguhit na rin ang kaniyang karakter sa mga obra, at gayahin ng isang drag queen.

"Kahit na hindi naman totoo si Sisa, gusto ko matuwa siya sa kung paano ko ipakikita sa tao. So kinikilabutan talaga ako," sabi ni Andrea sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Martes tungkol sa paghanga ng netizens sa pagganap niya bilang si Sisa.

Dahil dito, inspirasyon na rin si Andrea ng ilang mga obra na likha ng artist at SAF trooper na si Marcus Borromeo.

Plano ni Borromeo na gumawa ng isang buong koleksiyon na base sa interpretasyon ni Andrea sa papel niyang si Sisa.

"Proud ako sa Maria Clara at Ibarra kasi nga nagiging part na siya ng mga bata, mas nagkaka-interes sila, bumibili sila ng libro," sabi ni Andrea.

Naging inspirasyon din si Andrea ng drag queen na si Andy Crocker para sa sketch nito on-stage nang gumanap din bilang si Sisa.

"Minessage ko nga siya, sabi ko 'Uy next time na magpe-perform ka, sabihan mo ako kasi gusto kitang mapanood. Gusto kitang i-support. Kasi 'di ba para gawin niya 'yon, hindi lang ako makapaniwala," mensahe ni Andrea kay Andy. —