Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ng "King of Talk" ang panig ng management ni Julie Anne San Jose kaugnay sa rebelasyon ni Alden Richards tungkol sa naunsiyameng relasyon nila ng actress-singer.

Sa naturang episode nitong Huwebes, sandaling pinutol ni Tito Boy ang panayam niya sa kaniyang guest na si Bea Alonzo, upang bigyan-daan ang komento ng management ni Julie Anne.

Tinanong ni Tito Boy si Bea kung napanood ba niya ang naturang panayam kay Alden sa nasabing talk show noong Miyerkules.

"Ay grabe, napaka-relevant. Pinag-uusapan ng lahat," sabi ni Bea.

READ: Alden, inamin kay Boy Abunda na muntik niyang maging GF sina Julie Anne, Winwyn Marquez

Ayon kay Tito Boy, nag-reached out ang programa sa management team ni Julie Anne at inihayag ng kampo ng "Maria Clara at Ibarra" star na nakaraan na ang mga pangyayari.

Saad ni Tito Boy, "At ang sabi nga po ay itong kaganapan na 'to belongs to the past. Julie Anne is ok and lets all move on ika nga."

Ikinuwento rin ng TV host ang pagkikita nila ni Julie Anne nang maging bisita siya sa programang "All Out Sunday."

Ayon kay Tito Boy, mismong si Rayver Cruz na malapit ngayon kay Julie Anne ang nagpakilala sa kaniya sa dalaga.

"Sabi ko, 'Julie Anne sana maging bisita kita, kayo ni Rayver sa Fast Talk with Boy Abunda.' Julie Anne you said yes. Aabangan kita dito," masayang sabi Tito Boy.--FRJ, GMA Integrated News