May nakakikilig na birthday message si Ruru Madrid para kay Bianca Umali.

Sa Instagram, nag-post si Ruru ng mga larawan at video nila ni Bianca sa nagdaang mga taon.

Sa caption, ipinadama ni Ruru kung gaano kahalaga sa buhay niya ang aktres.

“Araw-araw ipagpapasalamat ko sa Panginoon na ikaw ang binigay Niya sa akin. Araw-araw pipiliin kong mabuhay dahil ikaw ang makakasama ko. Araw-araw 'di ako magsasawang sabihin sa yo kung gaano ako kapalad na ikaw ay sa akin at ako ay sa iyo,” ayon kay Ruru.

Patuloy ng binata, “Araw-araw ipaparamdam ko sayo kung gaano ka kahalaga sa akin. Araw-araw kita ipagmamalaki sa lahat ng tao dahil sa husay at galing mo."

Sabi pa ni Ruru, “Araw-araw ita-trato kita bilang Reyna ng buhay ko. Araw-araw sasabihin ko sayo na Mahal kita.”

Sa dulo, sinabi ni Ruru, “Maligayang kaarawan Mahal ko.”

 

 

Nagkomento naman si Bianca sa naturang post at sinabi nito na, “Mahal na mahal kita, mahal ko.”

Ngayong Huwebes, March 2, ang ika-23 taong kaarawan ni Bianca. — FRJ, GMA Integrated News