Hindi raw inasahan ni Rufa Mae Quinto ang ginawang pagbili at pagbebenta ni Heart Evangelista sa ilang gamit niya noong panahon ng pandemic bago siya umalis ng bansa patungong Amerika. 

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Rufa Mae na bago siya umalis patungong Amerika noong 2020, si Heart ang huling tao na kaniyang kinatagpo.

Ayon kay Rufa, tinawagan siya ni Heart na magkita sila para sa mga designer item na nais nang ibenta ng comedianne bago umalis.

"That time, nasa Tupperware lahat ng shoes ko, tapos pinilit niya ako [sabi niya], 'tara na sige na dalhin mo,' hanggang siya na naglinis isa-isa, nilatag niya lahat," kuwento ni Rufa.

Labis na natutuwa si Rufa kay Heart dahil hindi naman daw niya ito binebentahan.

"Nakakatuwa nga eh, hindi ko naman siya binebentahan, siya na lang nagbenta tapos nagbenta pa siya sa iba niyang friends," patuloy niya.

"Kaya natutuwa ako sa kanya, napakabait," ayon pa kay Rufa Mae na inayunan naman ni Tito Boy.

Biro ni Rufa Mae, tatawagan daw niya uli si Heart para bentahan.

Nagsimula raw ang pagkakaibigan nina Rufa at Heart noong 1995 nang magkakilala sila sa isang lamay sa pamilya ng kaibigan.

"Nagandahan kami sa isa't isa. Sabi ko ang ganda mo. Hindi niya pala na-forget. Tapos nagkita kami, artista na siya!" natatawang sabi ni Rufa Mae.

Noong 2011, nagkatrabaho ang dalawa sa remake "Temptation Island" movie.

Nakabase na ngayon si Rufa Mae sa Amerika kasama ang kaniyang asawa at anak, pero umuuwi ng Pilipinas kapag may proyektong kailangang gawin.—FRJ, GMA Integrated News