Kinatigan ng Bureau of Immigration (BI) ang petisyon ng aktres na si Pokwang laban sa kaniyang ex-partner na si Lee O’Brian.

Sa walong-pahinang resolusyon ng BI, iniutos na ipa-deport ang American actor na si Lee, o William Lee O’Brian.

Ilalagay din si Lee sa BI Blacklist kapag naipa-deport, at mamarkahan na: Deported: violation of his work visa (work in a different company), the cancellation of Lee O'Brian's pre-arranged employment visa, and the issuance of a Warrant of Deportation against him, among others.

Ayon sa resolusyon ng BI, nilabag ni Lee ang "terms and conditions" sa pananatili niya sa Pilipinas dahil sa active involvement niya sa pelikula, television programs at theatrical industry mula 2016 hanggang 2023.

Inihain ni Pokwang ang deportation case laban kay Lee noong June. Kabilang sa mga reklamo ng aktres laban sa kaniyang ex-partner ang umano'y financial abuse, intimidation, at abandonment sa anak nilang si Malia.

Ayon kay Pokwang, tourist visa lang umano ang hawak ni Lee pero nagtatrabaho ito sa Pilipinas.

Nakasaad sa petisyon laban kay Lee na nilabag nito ang Sec. 23 and Sec. 37 (A) (7) of the Philippine Immigration Act of 1940. Section 23 na nagsasaad na, “An immigration visa or a passport visa, or a Reentry Permit, obtained by fraud or willful misrepresentation of fact shall be subject to cancellation by the issuing officer or by the Board of Commissioners.”

Kabilang sa grounds ay ang Section 37 (A) (7) na nagsasaad na “any alien who remains in the Philippines in violation of any limitation or condition under which he was admitted as a nonimmigrant may be arrested and deported."

Sa pahayag, sinabi ni Pokwang na nakamit niya at ng kaniyang anak ang hustisya matapos na katigan ng BI ang kaniyang petisyon.

“Nagpapasalamat ako una sa Panginoon dahil pinakinggan niya ang aking mga dasal na magkaroon ng hustisya ang nangyari sa akin at sa aking anak. Lubos din akong nagpapasalamat sa lahat ng aking mga kaibigan at taga suporta na sinamahan ako sa bahagi na ito ng buhay ko,” ayon kay Pokwang.

“Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng taong tumulong sa amin ni Malia. Ngayon, lalo kong susubukan na maging mahusay na ina at ama sa aking anak. Lalo pa akong magsisikap sa araw-araw para maitaguyod ko ang aking pamilya,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Atty. Rafael Vicente Calinisan, abogado ni Pokwang, na ang kaso laban kay Lee ay laban ng bayan laban sa abusadong dayuhan.

"We have been consistent that Lee O’Brian must be made accountable, as his repeated renewal of his tourist visa constitutes fraud and willful misrepresentation of facts, while his work engagements are violations of limitations under which he was admitted as a non-immigrant," anang abogado na nagpasalamat sa pasya ng BI.

“Sa totoo lang, ang laban na ito ay laban ng Pilipino sa isang abusadong dayuhan sa ating sariling bayan. Pinaglaban din natin dito ang kapakanan ng lahat ng kababaihang umiiyak at naghahanap ng hustisya at respeto sa kanilang sarili. Para sa inyo ito,” dagdag niya.

Taong 2021 nang maghiwalay sina Pokwang at Lee. —FRJ, GMA Integrated News