Inamin ni Ruffa Gutierrez na mayroon silang relasyon ng komedyanteng si Herbert "Bistek" Bautista. Boto naman kaya ang mga anak ng aktres sa dating alkalde ng Quezon City?
Ginawa ni Ruffa ang pag-amin sa panayam ni Karen Davila sa YouTube Channel nito. Kasama sa panayam ang kaniyang mga anak na sina Lorin at Venice Bektas.
Ayon kay Ruffa, apat na taon na ang relasyon nila ng komedyante. Ang mga anak ng aktres ang nagbahagi ng love story ng kanilang ina.
Nagsimula raw ang lahat nang magkatrabaho ang dalawa sa series na “The House Arrest of Us” noong 2020, ayon kay Venice.
Kasama rin sina Lorin at Venice sa first date ng kanilang ina at ni Herbert na nangyari noong panahon ng kapaskuhan.
“Very proper. Sinundo kami sa bahay tapos sinama ‘yung mga anak ko. Sabi niya, ‘I wanna meet them.’ And to make sure that they’re okay with him and everyone is comfortable,” kuwento ni Ruffa.
Pasado naman kina Lorin at Venice si Herbert dahil sa pagiging palatawa nito, at nakikita nilang in love at masaya ang kanilang ina.
“Honestly, just seeing our mom with him, she was just so happy,” ani Venice, na dinagdagan ni Lorin na nagiging teenager umano ang kanilang ina kapag pinag-uusapan si Herbert.
“I do think that the tell-tale sign that this is like a real and very strong connection is that he helped her get back into school and he really encouraged that for her,” sabi pa ni Lorin.
Nang tanungin si Ruffa kung seryoso ang relasyon nila nila ni Herbert, sabi ng aktres, “I never go into a relationship that’s not serious. I’m always the serious type.”
Ngayon, mas gusto raw ng aktres ang tahimik na personal na buhay "because it just leads to more happiness.”
Kung magpapakasal muli, nais ni Ruffa na ang mga anak niya ang kaniyang bridesmaids.
Taong 2007 nang maghiwalay si Ruffa sa dati niyang asawa na Turkish businessman na si Yilmaz Bektas.
Samantala, wala namang asawa si Herbert pero mayroon siyang apat na anak sa dalawang babae, ayon sa isang report ng PEP.ph.
Noong 2014, naugnay si Herbert kay Kris Aquino. --FRJ, GMA Integrated News