Isang lalaki ang hinuli sa Barangay San Isidro sa Antipolo City matapos mang-hostage at tutukan ng patalim ang isang tatlong taong gulang na batang babae.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, nagawa lang daw ng suspek ang krimen noong Lunes dahil siya ay na-depress dahil sa gutom.

“Tatlong gabi na po akong walang kain, tulog. Na-depress na po ako sa gutom kaya nagawa ko po ‘yun eh sa bata na na-hostage siya kasi napaikutan po ako ng mga tao sa amin na nagtutulak ng shabu,” ani ng suspek.

“Wala po akong intensyon na patayin ‘yung bata. Saglit lang po ‘yon Sir eh, halos ‘yung kutsilyo nga eh hinahawakan ko pa para hindi po masyado gaanong masugatan. Doon po sa nanay pasensya na po kayo, hindi ko po sinasadya ‘yon,” dagdag pa niya.

Kinagat din ng suspek ang unang rumesponde sa krimen.

Punong-puno naman ng mga pasa ang mukha ng suspek matapos bugbugin ng ama at tiyuhin ng batang hostage bago siya dalhin sa presinto.

Patuloy na inaalam kung gumagamit ng ilegal na droga ang suspek.

“Iyon pong ating biktima ay nasa maayos na kondisyon naman na po,” ani Police Lieutenant Dominic Blaza, station commander ng Antipolo Police Community Precinct 2.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Antipolo Police headquarters at isasailalim sa inquest proceedings para sa mga kasong frustrated murder at physical assault.  — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News