Isa sa mga karakter na tumatak sa longest-running gag show sa Pilipinas na "Bubble Gang" si "Boy Pick-Up" na ginampanan ni Ogie Alcasid.

Sa panayam ng Kapuso Showbiz, inihayag ng Kapuso comedy genius at creative director na si Michael V., na hindi niya inasahan na magiging malakas na hatak ni Boy Pick-Up sa mga manonood.

Ayon kay Michael V, na kilala rin sa tawag na Bitoy, idea ng isa nilang kasama ang karakter ni Boy Pick-Up na plano lang niyang gamitin na "one shot, siguro two episodes or three, okey na."

"Pero hindi, lumaki yung following nun. Nagkaroon pa ng movie, tapos nagkaroon pa ng song release," kuwento ni Bitoy.

Inihayag din ng komedyante na binibiro nila noon si Ogie na kapag natawa ang naturang singer-composer-comedian, sa storyline ng comedy ay baka hindi iyon kagatin ng masa.

Pero nagkamali raw sila nang makita nilang seryosohin ni Ogie ang karakter niyang si Boy Pick-Up at nagkaroon ng malakas na suporta sa mga manonood.

Idinagdag din ni Michael V, na posibleng naghahanap din ang mga manonood ng bagong karakter sa show nang panahong iyon.

Kasabay ng pagsikat noon ng pangalang Boy Pick-Up, mabilis ding nakilala si Sam Pinto, bilang si "Neneng B."

--FRJ, GMA News