Nasagip ang isang 31-anyos na babae na namasukan sa isang bahay matapos siyang hindi pauwiin at pagbantaang papatayin ng kaniyang amo kung hindi siya makikipagtalik rito sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, mapapanood sa video ng QCPD Station 14 ang dahan-dahang pagpasok ng mga awtoridad sa isang eskinita sa Tandang Sora Avenue madaling araw nitong Miyerkules, para sagipin ang babaeng biktima matapos itong humihingi ng tulong.

Pagdating sa bahay ng mga awtoridad, agad nilang pinadapa ang lalaking may-ari ng bahay na kinilalang si John Regala, habang makikitang nakaupo sa gilid ng lamesa ang babaeng biktima na umiiyak.

Ayon sa biktima, ipinakilala siya ng isang kaibigan umano sa suspek.

Pumunta siya sa bahay ni Regala Martes ng umaga para maglinis sa halagang P2,000, pero hindi niya inakalang hindi siya paaalisin ng amo.

"Noong hinugasan ko na lahat tapos sabi ko uuwi na ako, bigyan na niya ako ng pera, mamaya na raw. Sabi niya 'Dito ka muna, lahat ng gusto mo ibibigay ko basta dito ka lang,'" sabi ng babae.

Nagalit pa umano si Regala at pinagbantaan siya nitong papatayin nang tumanggi siyang makipagtalik.

"Bigla niya akong hinila, sabi niya 'Dito ka lang, dito ka lang.' Tapos tumakbo po ako sa may CR, sinakal na niya ako tapos tinutukan niya ako ng kutsilyo," anang biktima.

Nakahingi ng tulong ang biktima nang mag-text ito sa kaibigan.

Itinanggi ni Regala ang paratang sa kaniya.

"Hindi po totoo 'yun sir, gawa-gawa niya 'yan, hindi ko alam kung anong pakay niya sa akin," sabi ng suspek.

Bukod sa alegasyon ng biktima, nakunan din ng 18 sachet ng shabu umano at isang sachet ng marijuana ang suspek.

"Hindi ko po itatanggi 'yan. Umaamin po ako diyan na gumagamit po ako, tumitikim ako niyan," sabi ni Regala.

Sinabi ng mga taga-barangay na dati nang nabilanggo si Regala dahil sa droga.

Dinala sa QCPD Station 14 ang suspek, na mahaharap sa mga reklamong serious illegal detention at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/VBL, GMA News