Nasawi ang apat na miyembro ng isang pamilya sa California, USA, at isa nilang kaibigan nang bumangga ang kanilang sasakyan sa puno.


Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na mag-asawang Jelson at Arlene Laguta, at ang mga bata nilang anak na sina Caleb at Joseph.

Kasama rin nilang sa sasakyan at nasawi rin ang kanilang kaibigan na si Danilo Salidad.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumibiyahe ang mag-anak sa Highway 99 nang mawalan ng kontrol sa sasakyan ang nagmamaneho at bumangga sa puno.

Nanawagan naman ng tulong ang mga kaanak nila sa Pilipinas na maiuwi sana sa bansa ang kanilang mga labi. -- FRJ, GMA News