Natagpuan ng mga awtoridad sa Leyte ang nakatatandang kapatid ng 83-anyos na si Nanay Fedelina Lugasan, ang Pinay na inalipin ng isang pamilya sa Amerika ng halos apat na dekada.

Ayon kay Ambassador Jose Manuel Romualdez, tutulungan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kapatid ni Fedelina para makakuha ng pasaporte at visa para makapunta sa Amerika.

READ: 82-anyos na Pinay na 3 dekadang 'inalipin' ng kaniyang amo sa US, malaya na

“A niece actually came forward and they were able to cross check it and I was informed that Nanay Fedelina has a sister, an older sister, who’s still alive and she lives in Leyte,” sabi ni Romualdez.

Nakausap na umano ni Nanay Fedelina via Skype ang kapatid.

“So they were asking if we could help in getting a visa for the sister because it’s easier for her to come and visit rather than Fedelina go back this time since she is still waiting for the visa, the T Visa, the trafficking visa,” paliwanag ni Romualdez.

“So we’re going to try our best to expedite, to help her get her passport in the first place and then assist her in getting her a US visa to visit her sister,” dagdag ng opisyal.

Tubong Leyte si Nanay Fedelina nang magtrabaho siyang kasambahay sa Maynila sa edad na 16.  Kinalaunan, dinala naman siya sa Amerika noong 1980 at ginawang kasambahay ng isang pamilya sa loob ng halos 40 taon nang walang sahod at araw ng pahinga.

Nasagip siya ng mga awtoridad sa Amerika nang maospital ang kaniyang amo at mawalan siya ng malay dahil hindi pa siya pinapakain.

Kinasuhan ang kaniyang mga amo pero pinili pa rin ni Nanay Fedelina na huwag ipakulong ang mga ito.

Matapos ang kaniyang kaso at maideklara siyang malaya na, kinupkop siya ng mag-asawang Pinoy at pinatutuloy sa kanilang home for the elderly.  — FRJ, GMA News