Nakuha ng 42-anyos na OFW sa Hong Kong na si Rodelia Pedro Villar ang pagkilala sa kategoryang “Community” sa The 8th Spirit of Hong Kong Awards 2020.

Si Rodelia, na nanggaling sa bayan ng San Remigio sa Antique, ay 17 taon nang OFW sa Hong Kong.

Kinilala ang katangi-tanging pagtulong ni Rodelia sa mga kapwa OFW sa Hong Kong sa lahat ng uri ng problema sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon, simbahan, at sa Consulate General ng Pilipinas sa doon.

Love scam at sexual harassment ay ilan lang sa mga problema ng mga OFW sa Hong Kong na kanyang natutulungan.

 

Photos courtesy of Rodelia P. Villar
Photos courtesy of Rodelia P. Villar

Noong 2017 ay itinatag ni Villar ang Domestic Workers Corner na lalo pang nagparami sa kanyang mga natutulungan. Mayroong 20 volunteers ang tanggapan ng grupo.

Layunin ng grupo ni Villar na ipaalam ang lahat ng karapatan ng mga OFW.

Naging daan ang mga paghihirap at sipag ni Rodelia upang ma-nominate siya sa Spirit of Hong Kong Awards.

 


Kasama ang South China Morning Post at Sino Group sa mga nag-organisa ng Spirit of Hong Kong Awards. Kinikilala nila ang mga taong may malaking ambag sa lipunan na hindi madalas nakikilala o ang tinatawag na "unsung heroes."

Ayon kay Rodelia, isang karangalan ang mapasama at bigyan ng pagkilala sa Spirit of Hong Kong Awards dahil siya ang nagiisang Filipino sa mga nominado. —LBG, GMA News