Arestado ang isang babae sa Maynila matapos mabisto ang modus operandi niya kung saan ang mga biktima niya ay mga aplikante para maging overseas Filipino worker.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, modus ng suspek na kaibiganin ang aplikante at kapag nakuha na ang loob nito ay tatangayin niya ang mahahalagang gamit nito.

"Kukumbinsihin ka niya na siya ay aplikante rin," ani Police Lieutenant Colonel Evangeline Cayaban, hepe ng Ermita Police. "Sasabay sayo kumain then yayayain kang mag-CR."

Kinilala ang suspek na si Evelyn Marquez, 50-anyos, na umamin sa krimen. Aniya, nagawa lang niya ang krimen dahil sa tindi ng pangangailangan.

Napag-alaman na 2017 nang unang mahuli si Marquez dahil din sa pambubudol.

Nabawi mula kay Marquez ang mga gamit at ATM card ng huli niyang biktima pero nasimot na ang laman nitong P50,000.

Ayon sa biktima, first time niyang magkaroon ng ATM card kaya nakasulat doon ang PIN number. --KBK, GMA News