Libu-libong balikbayan boxes mula sa Middle East ang inabandona umano ng courier services sa Bureau of Customs (BOC). Pero gumagawa ng paraan ang ahensiya para maibigay ang mga padala sa kanilang mga kaanak.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing isa si Jasmine Velarde Espeleta, sa mga OFW sa Abu Dhabi na kinuha ang serbisyo ng isang bagong balikbayan delivery business para maipadala ang pinaghirapan niyang mga padala sa kaniyang pamilya sa Leyte.

Pero ang pangakong makararating sa Leyte ang mga kahon sa loob ng dalawang buwan, naging apat na buwan, hanggang sa natengga na ang mga kahon sa BOC.

Hindi umano nagbigay ng pambayad ang kompanya para mailabas sa BOC ang mga kahon at mai-deliver ng door-to-door.

“Matagal ka mag-ipon, pinaghirapan mong ipunan. Pagod, puyat, pawis mo. Kasi kailangan mong humanap ng pera bago ka makabili non,” hinanakit niya.

Upang maipadala pa rin sa mga tamang may-ari ang mga kahon kahit na walang naibayad, nagtutulungan dito ang BOC at Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines.

Sa 26 na container van na may laman na tig-300 na inabandonang balikbayan boxes, pitong container vans na ang nai-deliver. May tatlong container vans naman ang ipoproseso na, habang sa September 30 naman ipoproseso ang iba pang kahon.

“Dahil hindi po nila pinrocess wala kaming pagbabasehan, walang tracking list na pagbabasehan. Kaya kailangan namin i-actual pagka-strip po nito isa isa po namin ito ie-encode yung mga pangalan ng mga boxes na ‘yan, tatawagan po namin yung mga may-ari, informing them that it is either puwede nilang pick-upin,” paliwanag ni Michael Fermin, director ng BOC Administrative Office.

Nakikipag-ugnayan din ang BOC sa Department of Migrant Workers (DMW) para makasuhan ang mga nagpapabaya sa delivery ng mga padala ng OFWs.

“Huwag po silang magpadala sa mga pangako ng mababang collection fees pero hindi naman po makakarating,” payo ni Fermin.

Sa ngayon, wala namang nakikitang dahilan para maantala ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes.

“Huwag na lang muli maulit yung port congestion from the previous years. Kasi po yung mga companies sa abroad sa Middle East, hindi po sila nagpapadala ng perang pang-gastos, pang-release sa pier, at pandeliver po,” Anthony Eugenio ng GM Atlas Shippers and corporate secretary ng DDCAP.

Sa mga OFW na mayroong balikbayan boxes na nakatengga at inabandona sa BOC, maaaring makipag-ugnayan sa hotline ng ahensiya na (02) 87056000.--FRJ, GMA News