Isang Pilipina ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi--na umabot na sa mahigit 900-- sa isinasagawang Hajj pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia dahil sa matinding init doon.

"So far, only one female Riyadh-based Filipino pilgrim died of natural causes (heatstroke) in Makkah," sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega nitong Huwebes.

Ayon kay De Vega, nailibing na rin ang Pilipina noong Miyerkules.

Ngayong taon, nasa 5,100 umano ang Filipino pilgrims sa Makkah.

Nagpadala na rin ng team ang DFA sa Saudi Arabia na tutulong sa Philippine Embassy para sa monitoring at assisting ng mga Pinoy Hajj pilgrim.

Sa ulat ng Agence France-Presse nitong Huwebes, sinabing 922 na ang mga nasawi dahil sa matinding init na nararanasan sa lugar. Mula sa iba't ibang bansa ang mga nasawi.

Ilan sa mga nasawi ay dulot umano ng sunstroke kung saan umaabot sa 51.8 degrees Celsius ang init sa Mecca, ang holiest city sa Islam.

Una rito, sinabi ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na 5,060 Filipino Muslims ang lumipad patungong Saudi Arabia para sa Hajj pilgrimage.—FRJ, GMA Integrated News