Naaresto ng mga awtoridad sa Davao City ang suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa 16-anyos na si Christine Lee Silawan sa Lapu-lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng Super Radyo Davao, kinilala ang suspek na si Jonas Bueno.
 

 

Dakong 4:00 p.m nitong Biyernes nang arestuhin ng mga awtoridad si Bueno sa Matina Pangi sa Davao City.

Napag-alaman na dalawang linggo na raw nangungupahan sa isang bahay sa compound si Bueno kasama ang kaniyang live in partner na si Connie Nacion.

Samantalang apat na araw pa lang daw nagtatrabahong bilang construction worker ang suspek sa lugar.

Patuloy ang isinasagawang interogasyon kay Bueno na itinanggi umano ang alegasyon laban sa kaniya.

Posible naman umanong harapin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bueno sa tanggapan ng National Bureau of Investigation- Region XI.

 

 

Batay sa resulta ng awtopsiya kay Silawan, nagtamo siya ng nasa 30 saksak, binalatan ang mukha at inalisan ng lalamunan at dila.

BASAHIN: 16-anyos na babae, pinaslang at binalatan pa ang mukha

Tatlong lalaki ang itinuring na "persons of interest" ng mga awtoridad sa kaso ni Silawan.

Umabot na sa P2-milyon ang alok na pabuya sa mga makakatutulong upang madakip ang suspek sa karumal-dumal na krimen.— FRJ, GMA News