Naaresto ng mga awtoridad sa Batangas ang isang lalaki na nagpapanggap umanong talent scout at inaaya raw ang mga babaeng teenager na mag-private photoshoot na mauuwi sa panghahalay.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Brent Magtibay, isang registered nurse, at nadiskubreng may ginawang Facebook account at iba ang ginamit niyang pangalan.

Naaresto ng mga operatiba ng Batangas police si Magtibay sa inilatag na entrapment operation kung saan kinatagpo niya ang isa niyang biktima.

Isasakay na sana ng suspek ang biktima nang kumilos ang mga awtoridad para dakpin siya.

Ayon sa Batangas police, nagpapanggap na talent scout para sa isang magazine ang suspek at china-chat sa Facebook messenger ang kaniyang mga bibiktimahing mga teenager para alukin ng private photoshoot.

Pero mauuwi raw ang lahat sa pang-aabuso sa mga biktima sa mga motel.

Ang ina ng biktima, labis ang galit sa suspek at tinatakot pa raw ang kaniyang anak na papatayin ang kanilang pamilya kapag nagsumbong.

Naniniwala naman si Police Supirentendent Sonny Celedio, hepe ng Batangas City police, na may iba pang nabiktima ang suspek.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Magtibay tungkol sa alegasyon laban sa kaniya.

Isinasailalim sa forensic examination ang cellphone ng suspek para malaman kung may kasabwat o kung sino pa ang mga naging biktima ng suspek.-- FRJ, GMA News