Patay ang isang barangay chairman sa Palayan City, Nueva Ecija matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang bahay. Ang salarin, bumati pa raw ng good morning ang kaniyang biktima.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktimang punong barangay na si Biato Pascua.

Kuwento ng maybahay ng biktima, dakong 9:00 am nitong Martes nang pumasok sa kanilang bakuran ang salarin at pinagbabaril ang punong barangay sa loob ng bahay.

"Dadinig daw ng kapitbahay ko, magkadikit lang kami. Ang sabi daw [ng salarin], 'Magandang umaga kap.' Tapos pumutok na," ayon Macrina Pascua.

Tatlong basyo ng bala at isang slug ng 9mm na baril ang narekober sa lugar ng krimen.

Hinala ng misis ng biktima, posibleng may kinalaman sa politika ang pamamaslang sa kaniyang asawa dahil wala raw siyang alam na kaaway nito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa pamamaril pero pinag-iingat nila ang iba pang barangay chairman sa lungsod dahil may impormasyon silang natanggap na tatlong barangay chairman pa umano ang may banta sa kanilang buhay.-- FRJ, GMA News