Iginapos at ninakawan ng tatlong magpipinsan ang sarili nilang tiyahin sa isang exclusive subdivision sa Laguna. Pero kahit nakatakip ang mga mukha, nakilala at naaresto pa rin sila dahil sa bag na bitbit ng isa sa kanila na iniregalo pala ng biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage na dahan-dahang pagpasok ng mga suspek sa bahay ng biktima.

Bumunot pa ng baril ang isa sa kanila bago pumasok sa loob ng bahay.

Matapos limasin ang pera, alahas, at iba pang gadget ng tiyahin, lumabas ang mga suspek dala ang isang bag at paper bag.

Nagkakahalaga raw ng US$30,000 at ¥400,000 o katumbas ng mahigit isa't kalahating milyong piso ang ninakaw na pera.

Tinangay rin nila sa pagtakas ang nakaparadang motor ng biktima.

Ayon sa biktima, iginapos ng mga suspek ang kaniyang mga kamay at paa. Pinagbantaan pa raw ng mga ito ang kaniyang buhay.

"Sabi niya, 'kung magsusumbong ka, babalikan ka namin.' 'Yun talaga ang sabi. Kaya ngayon takot ako sobra, 'di ako panatag," kuwento ng biktima.

Sa tulong ng CCTV, nadiskubre ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

"Nu'ng pumasok po ang mga suspek, hindi po kumahol ang aso. Secondly, 'yung niregalong backpack ay namukhaan po na 'yun ang regalo ng victim sa suspect na pamangkin. At ikatlo, dahil kamag-anak at pamangkin, alam ang galawan at anggulo ng mukha kahit may facemask," paliwanag ni P/Lt. Col. Eugene Junsay Orate, hepe ng Sta. Rosa City Police.

Nadakip sa isang follow-up operation sa Cavite ang tatlong suspek. Ang isa sa kanila, menor de edad pa.

Hindi na itinanggi ng mga suspek ang pagnanakaw at sinampahan na sila ng kasong robbery.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News