Tatlong batang magkakapatid ang nasawi nang makulong sila sa kanilang bahay na nasunog sa Dumalinao, Zamboanga del Sur. Ang mga biktima, hindi nakalabas ng bahay dahil tinalian daw ng nakatatanda nilang kapatid ang pintuan nang mag-igib ng tubig.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing OFW ang ina ng mga biktima, habang nasa trabaho naman ang kanilang ama nang maganap ang trahediya.

Labis ang pagdadalamhati ng ama ng mga biktima nang umuwi at makita ang sunog na mga bangkay ng kaniyang tatlong anak.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection,  lumitaw na naiwan sa bahay ang tatlong biktima nang mag-igib ang dalawa nilang nakatatandang kapatid.

Pero tinalian daw ng isang kapatid ng plastic straw ang pinto para 'di makalabas ang mga bata. Posible naman daw na napaglarua ng mga bata ang posporo kaya nagkasunog dahil walang kuryente sa kanila.

Hindi pa nagpapakita ang dalawang nakatatandang kapatid na umalis ng bahay.

Hindi pa rin daw alam ng kanilang inang OFW ang sinapit ng tatlong anak.-- FRJ, GMA News