Umani ng papuri ang isang police trainee sa Sipocot, Camarines Sur nang bilhan niya ng face mask ang isang person with disabilities (PWD) na nakita niya sa kalye na walang suot na face mask.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng police trainee na si Rodel Nuyles, na pinagsabihan niya ang PWD nang makita niya itong walang face mask habang nakapila sa isang money remittance center.

"Pinagsabihan ko po siya, sinita ko po siya, at nung tinanong ko siya bakit siya walang mask. Bali sabi niya wala daw siya po'ng pambili ng mask," kuwento ni Nuyles.

Sandaling iniwan ni Nuyles ang PWD para bumili ng face mask sa tindahan at saka binalikan ang lalaki.

"Naawa naman po ako. PWD pa naman siya, so ginawa ko po, binilan ko po siya ng mask," paliwanag niya.

Ang ginawa ni Nuyles, nai-video at ini-upload sa social media at umani ng papuri sa mga netizen.

"Sa lahat po ng naka-appreciate ng ginawa ko. Sana ma-inspired po kayo at salamat po sa inyong lahat," ayon kay Nuyles.--FRJ, GMA News