Patay ang isang doktor na may-ari ng isang ospital matapos siyang barilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang nagja-jogging noong Biyernes ng umaga sa Pikit, North Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Dr. Robert Cadulong, Al Haj, isang retiradong municipal health doctor mula sa mga bayan ng Pagalungan at Datu Montawal, Maguindanao, na nagtayo ng sarili niyang ospital sa Pikit.

Ayon sa mga pulis, nangyari ang insidente dakong 5:45 ng umaga.

Natagpuan ang ilang slug ng .45 na baril sa crime scene.

Isinasagawa na ngayon ang manhunt operation para sa mga suspek.

Nanawagan ng hustisya si Dr. Kadil Sinolinding, dating health minister ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at isa ring hospital operator sa karatig-bayan na Kabacan, sa pagkamatay ni Cadulong.

“Justice for our health comrade Dr. Robert Cadulong. Inna Lillahi wa Inna Ilayhi Rajion," pahayag ni Sinolinding.

Idinagdag ni Sinolinding na dapat masusing maimbestigahan ang insidente dahil naging laganap na ang mga pagpatay sa Pikit.

“Let the NBI and PNP conduct a deeper investigation,” pahayag ni Sinolinding sa kaniyang Facebook account.

Ilang araw bago ang pamamaril, isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang napatay habang dalawang military intelligence agent ang na-ambush sa bayan ng Pikit. —Jamil Santos/LBG, GMA News