Naaresto ng mga awtoridad sa Antipolo City ang isa sa mga most wanted drug suspects ng Central Luzon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, pitong taon nagtago sa batas ang suspek na si Harley Viray na natunton umano ng mga awtoridad nitong Martes sa pamamagitan ng kanyang social media account. 

Kabilang sa listahan ng mga most wanted persons sa Central Luzon ang suspek dahil sa pagpapatakbo umano ng drug den sa Zambales. Inamin ng suspek na nasangkot siya sa droga pero itinigil na raw niya ito. 

Nakakulong ngayon si Viray sa Candelaria police station sa Zambales habang patuloy itong iniimbestigahan ng pulisya. —  Sherylin Untalan/VBL, GMA News