Sugatan at nagtamo ng mga pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan ang isang biyuda sa Santa, Ilocos Sur matapos umano siyang pagpapaluin ng may-ari ng punerarya na hindi niya pa nababayaran sa funeral services ng yumao niyang mister.
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga sugat at pasa sa braso, binti at likod ang ginang na itinago sa pangalang "Aida," 53-anyos.
Nangyari umano ang pamamalo ng tubo ng suspek na may kasamang dalawang tauhan nang magpunta ang mga ito sa bakuran ng biktima.
Ayon sa suspek na may-ari ng punerarya sa bayan ng Bantay, tatlong beses na raw ipinabarangay ang ginang para singilin ito sa pagkakautang.
Napag-alaman na Mayo 2021 nang mamatay ang mister ng ginang dahil sa sakit.
Sinabi ng suspek na ang abogado na lang niya ang sasagot kung magsasampa ng reklamo ang ginang.
Hindi inabutan ng mga pulis sa lugar ng insidente ang mga suspek pero nakita ang mga ito sa CCTV ng barangay.
"Nahagip po sila (mga suspek) ng CCTV ng barangay kaya na-confirm po yung sasakyan tapos yung plate number. Bale magpo-fall na parang frustrated murder siguro o frustrated homecide depende na po sa fiscal," ayon kay Police Lieutenant Joseph Fieldad, hepe ng Santa Polic station.
Inihayag din ng pulisya na nakapagsampa ng reklamo ang biktima at hinihintay na lang ang warrant of arrest laban sa suspek.--FRJ, GMA News