Nauwi sa trahediya ang masaya sanang pagsalubong ng mga magkakamag-anak sa Naguilian, La Union sa bagong taon nang malunod at masawi sa Balili River ang tatlong menor de edad na kasama nila.

Ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, umaga nitong bagong taon nang magkayayaan ang magkakamag-anak na maligo sa naturang ilog.

Matapos mananghalian, lumusong sa ilog ang walong magpipinsan. Pero hindi nagtagal, nakarinig na sila ng sigawan na may nalulunod.

Nagawang masagip ang lima pero binawian ang buhay ang tatlong menor de edad na sina Rona Joy Camarao, 17-anyos, at kapatid niyang Leonica, 14,  at pinsan nilang si Ruby Ann Ducusin, 17.

Ayon kay Jessica Camarao, hindi naman malakas ang agos ng tubig kaya hindi nila inaasahan na mangyayari ang trahediya.

Nakaligtas siya nang may maapakan siyang na malaking bato sa tubig.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pulisya sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA News