Patay na nang matagpuan sa isang kuweba ang 10-taong-gulang na babae na tatlong araw nang nawawala sa Talisay City.

Ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes, inireport ng mga magulang ng bata sa Talisay City Police Station na nawawala ang kanilang anak noong Enero 9.

Una raw nagpaalam ang bata na maliligo sa ilog pero hindi na siya nakauwi.

Hanggang sa mayroong residente na nagreport sa pulisya tungkol sa masangsang na amoy na nagmumula sa kuweba, na hindi kalayuan sa ilog sa Barangay Tapul.

Nang magpunta ang mga awtoridad sa lugar, nadiskubre ang bangkay ng bata na natatabunan ng mga bato.

Kinilala naman ng mga magulang na ang nawawalang anak nila ang natagpuang bangkay.

Ayon sa pulisya, hinihinala ng pamilya na pinagsamantalahan ang anak nila ng ilang kalalakihan na umano'y nakita ring naliligo sa ilog bago nawala ang biktima.

“A complete forensic investigation is underway to assist Talisay City Police in the investigation, including post mortem investigation to determine if indeed the victim was sexually abused,” ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos.

Patuloy din ang imbestigasyon ng Talisay City police sa insidente at mayroon nang sinisilip na person of interest.

--FRJ, GMA News