Natukoy na ang pagkakakilanlan at sinampahan ng reklamo ang driver ng SUV na nasangkot sa Cavite road rage incident.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang naturang driver na si Jay-Ar Cezar.

Sa radio program ni Senator Raffy Tulfo, humingi ng paumanhin si Cezar sa nakaalitan niyang driver na si Jarrid Bation.

Gayunman, itinuloy pa rin ni Bation ang kaniyang reklamo laban kay Cezar na oral defamation at grave threat.

Nais din ni Bation na masuspinde o alisin ang driver's license ni Cezar.

Ayon kay Bation, nagdulot sa kaniya ng matinding stress at gastos ang pangyayari.

Sinabi ni Police Major Hilario Lacaste ng General Trias Police, na may parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan ang mapapatunayang nagkasala sa oral defamation, at mahigit anim na buwan naman sa kasong grave threat.

Hindi pa nagpapakita sa himpilan ng pulisya ang suspek na napag-alaman na nagtatrabaho sa isang KTV bar. Hindi rin siya nakita sa mga idineklara niyang address sa General Trias at Imus.

“Pagpunta po ng ating imbestigador wala po siya sa mga address,” ayon kay Lacaste. —FRJ, GMA Integrated News