Sa kulungan ang bagsak ng dalawang babaeng magkapatid matapos itago ang shabu umano sa maselang bahagi ng kanilang katawan at itangkang ipuslit ito sa Antipolo City Jail.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inilagay ng babaeng magkapatid ang ipinagbabawal na gamot sa loob ng condom bago itinago sa loob ng maselang bahagi ng kanilang katawan.

Nasabat sa kanila ang humigit kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu bandang 4 p.m.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang warden na may ipapasok na ilegal na droga ngunit hindi alam kung kanino, kaya hinigpitan nila ang mga dalaw.

Hanggang sa makitaan ang dalawang babaeng magkapatid ng “irregularities” sa kanilang mga kilos at ininspeksiyon sila ng babaeng taga-BJMP.

Dito na sila nakitaan ng humigit kumulang na 250 gramo ng shabu umano.

Kung susumahin, aabot sa P1.36 milyon ang halaga ng shabu umano na ipapasok ng mga suspek sa loob.

Itinanggi ng mga arestado ang ibinibintang sa kanila.

“Wala po akong alam, no comment po ako. Sinama lang po ako ng kapatid ko,” sabi ng isa sa mga suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Antipolo Police Station ang mga babaeng suspek.

Samantala, nakuhanan din ng droga ang isang grupo ng mga lalaki na unang sinita ng pulisya dahil sa pagsusugal ng tong-its sa Barangay San Isidro.

Nakuha sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu.

Nakuha rin sa mga suspek ang mga perang pamusta at mga baraha.

Sa Barangay Cupang naman, nadakip ang tatlong suspek matapos bumakas sa kanilang mga bag ang dala nilang mga baril.

Nagsagawa ng anti-crime operation ang pulisya sa lugar at nakita nila ang mga suspek na bumaba ng tricycle.

Kabilang sa mga nasabat ang dalawang .38 na revolver at mga live ammunition.

Mahaharap sa kasong illegal possession of firearms ang tatlong suspek, na sasailalim sa inquest proceedings. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News