Patay matapos barilin sa ulo ang isang landlady ng boarding house sa Cagayan de Oro. Ang suspek, nagkunwaring uupa at sinamahan pa ng biktima.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Lenie Tangga, 37-anyos, residente sa Barangay 23.

Ayon sa anak ng biktima, dakong 7 pm nitong Linggo nang dumating ang salarin at nagpanggap na rerenta sa boarding house.

Sinamahan ng biktima ang suspek para ipakita ang kuwarto at nang lumabas na sila ng bahay, doon na binaril sa ulo si Tangga.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson Lieutenant Coloner Evan Viñas, mayroon na silang dalawang persons of interest na tinututukan sa kaso.

Personal na away ang tinitingnan na motibo sa krimen, at tinangay din ng salarin ang cellphone ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News