Hinostage ng isang padre de pamilya ang kaniyang asawa at mga anak para gawing panangga laban sa mga taong nais umano siyang saktan sa Cebu City. Ang lalaki, sinasabing tatlong araw nang gising matapos gumamit ng ilegal na droga na tinawag niyang "bato," o shabu.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing binihag ng 42-anyos na suspek ang kaniyang pamilya sa kanilang bahay sa Barangay Tisa.

Ayon sa pulisya, idinahilan umano ng suspek na ginamit niyang proteksyon sa sarili ang kaniyang pamilya laban sa mga taong nais siyang patayin.

Matapos ang negosasyon, sinabi ni Police Major EraƱo Regidor, hepe ng Station 10, na payapang sumuko ang lalaki.

Nasa maayos na kalagayan naman ang kaniyang mag-iina.

Sa police station, natatawa pang inamin ng suspek na tatlong araw na siyang hindi nakakatulog dahil sa paggamit niya ng ilegal na droga, na hinihinalang dahilan kaya naapektuhan ang kaniyang pag-iisip.

Bagaman hindi na plano ng kaniyang pamilya na magsampa ng reklamo, plano naman ng pulisya na kasuhan ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News