Patay ang driver ng puting van at sugatan ang lima niyang sakay--kabilang ang isang sanggol-- matapos silang bumangga sa nakasalubong na truck sa Atimonan, Quezon.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng hapon sa bahagi ng Barangay Tinandog.

Ayon sa pulisya, basa ang kalsada dahil sa pag-ulan nang mangyari ang insidente.

Galing umano sa Maynila ang van na patungo sa Samar nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga sa kasalubong na truck na nasa kabilang linya ng highway.

"According sa kanila, sobrang bilis daw talaga nung takbo ng van. Tapos medyo maulan noon, basa ang kalsada. Pag-overtake daw itong van doon sa [isang] truck, sa sobrang bilis, umislide siya doon sa kalsada tapos umikot siya ng dalawang beses. Nasakop niya yung lane nung [kasalubong] na truck tapos nasalpok yung truck. Tumilapon na ang mga sakay nung van," ayon kay Police Pat. Leonard Pineda, ng Atimonan Police Station.

Nasawi ang driver ng van, habang isinugod naman sa ospital ang limang sakay nito kasama na ang isang sanggol na 15-buwang-gulang.

Nangako naman umano ang may-ari ng van na sasagutin ang pagpapagamot sa mga nasaktan at pagpapalibing sa driver.

Ayon kay Pineda, lumitaw sa imbestigasyon na walang pananagutan sa insidente ng driver ng truck. Gayuman, nagpaabot pa rin umano ng tulong ang financial assitance ang kompanya ng truck sa pamilya ng nasawing driver ng van.--FRJ, GMA Integrated News