Kinilala ng pamahalaang panglalawigan ng Pampanga ang kabayanihan ng 15-anyos na si Chris Lawrence Tanglao Fabian, ang isa sa tatlong estudyanteng nasawi sa school shooting incident sa Tacloban City. Ang pamilya ni Fabian, dating nakatira sa Pampanga, bago lumipat sa Tacloban.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing idineklarang Pride of Pampanga si Fabian sa bisa ng isang resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan.

Ibinigay sa namayapang binatilyo ang pagkilala dahil sa ipinamalas niyang katapangan, malasakit at sakripisyo sa nangyaring trahediya.

Nagbuwis ng buhay si Fabian nang protektahan niya ang iba pang mag-aaral sa loob ng silid-aralan nang mangyari ang pamamaril ng dalawa ring estudyante na edad 15 at 14.

Base sa mga kuwento ng mga guro, mga estudyante at sa nag-viral na video, isinara ni Tanglao at hinawakan ang lock ng pinto ng kuwarto upang hindi makapasok ang mga salarin.

Ngunit nagpaputok ang mga salarin mula sa labas at tinamaan ng bala si Fabian na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Napag-alaman na bago lumipat sa Tacloban, dating nakatira ang pamilya ni Fabian sa Minalin sa Pampanga.

Nagtungo sa Tacloban si Pampanga Vice Gov. Dennis Pineda at iba pang opisyal ng lalawigan upang personal na ipaabot pakikiramay ng mga Kapampangan sa mga naulila ni Fabian.

Ibinigay nila sa pamilya ang kopya ng resolusyon at tulong na mula sa kapitolyo ng Pampanga.

Para sa pamahalaang panlalawigan, ang ginawa umano ni Fabian ay nagpapakita na hindi masusukat sa edad ang tunay na tapang kung hindi nasa puso, at handang magsakripisyo para sa kapuwa.

Bukod sa pamahalaang panglalawigan, kinilala rin ng Konseho ng bayan ng Minalin ang ginawang kabayanihan ni Fabian. – FRJ GMA News