Napurnada ang pagnanakaw ng dalawang lalaki sa mga kawad ng kuryente nang biglang mag-spark ang kable na pinupuntirya nilang kunin sa Barangay San Jose, Navotas. Nahanap ang isa sa mga suspek ngunit pinakawalan din kalaunan matapos walang tumayong complainant. Ano nga ba ang nakasaad sa batas tungkol dito? Alamin.

Sa “Ask Atty. Gaby” ng programang Unang Hirit, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na maaaring hindi isang kaso ng simpleng pagnanakaw lamang o theft ang insidente sa ilalim ng Revised Penal Code, kundi depende sa klase ng kable ng kuryente na sinubukang nakawin.

Kung ito ay isang high voltage wire o hindi bababa sa 69 kV, saklaw ito ng Republic Act 7832 o ng Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.

Ito rin ang espesyal na batas na pinarurusahan ang pagnanakaw ng kuryente kung gumagamit ang residente ng jumper o guilty ng pagta-tamper ng metro o kontador ng kuryente.

Kung isang high voltage wire ang ninanakaw, matindi ang kaparusahan dito, kahit na inumpisahan pa lamang putulin, lagariin o hiwain, kahit na walang nakuha ni isang pulgadang wire ang kawatan.

Reclusion temporal na 12 taon hanggang isang araw, hanggang 20 taon ang parusa sa ilalim ng espesyal na batas.

Idiniin ni Atty. Gaby na kailangang protektahan ang mga high voltage wires na ito dahil posibleng makaapekto sa mas nakararami sa publiko kung sakaling mawala ang kuryente o masira ang pagdaloy ng kuryente na konektado sa kableng nanakawin.

Kung low voltage wires naman ang sangkot o less than 69 kV, hindi ito pasok sa ilalim ng Republic Act 7832, ngunit magiging simpleng kaso ng theft sa ilalim ng Revised Penal Code.

Dahil naudlot ang pagnanakaw ng kable, attempted theft lamang ito, dahil sa ilalim ng batas, hindi pa tinatawag na “consummated” ang krimen kung hindi pa natangay ang gamit na pinupuntiryang nakawin ng magnanakaw.

Sa kaso ng magnanakaw sa Valenzuela, na nahulog bago maputol at matangay ang wire, nasa attempted stage pa lamang ito.

May penalty itong aresto mayor o isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan lamang, kung matagumpay sila sa pagnakaw ng kable.

Pero dahil naudlot, bababa pa ang parusa dahil pagtatangka pa lamang na mula isa hanggang 30 araw na kulong.

Kaugnay kung kailangan munang may personal na nagrereklamo bago makasuhan ang isang suspek, sinabi ni Atty. Gaby, na hindi kailangan na magkaroon ng private complainant.

“Kasi ‘yung mga tanod mismo o 'yung pulis na nakahuli sa mga magnanakaw ay maaaring magsampa ng complaint,” sabi niya.

Batay sa rules of court, maaaring ang biktima mismo o “other public officer or peace officer charged with the enforcement of the law” ang maghain ng complaint o reklamo.

“So hindi naman talaga totoo na ‘pag walang nagrereklamo na offended party, walang kaso. Usually, sinasabi po natin ito kung ang biktima ay ang tanging witness na maaaring magbigay ng testimonya bilang ebidensya,” sabi ni Atty. Gaby.

“Kung walang witness, kung walang ebidensya, walang kaso,” pagpapatuloy niya.

Iba naman ang mga tinatawag na private crimes na hindi puwedeng ihain maliban sa offended party o ang biktima ang siyang magrereklamo ukol dito.

Ilan sa mga ito ang adultery, concubinage, acts of lasciviousness at iba pang kagayang krimen.

Gayunman, lahat ng ibang mga krimen na hindi sakop ng listahan ng private crimes ay maaaring ihain ng mga prosecutor dahil pagdating sa mga krimen, ang ultimate offended party ay ang “people of the Philippines.”

“Ibig sabihin, hindi nangangahulugang wala nang pananagutan ang suspect dahil wala lamang pribadong indibiduwal na tumayong complainant. Gayunpaman, kailangan pa rin na may sapat na ebidensya para maisampa at maituloy ang kaso. Mahalaga rin tandaang ang pagkakahuli sa isang suspek ay hindi nangangahulugan maaari na siyang ikulong nang walang hanggan. May sinusunod pa rin na proseso at limitasyon ng batas pagdating sa warrantless arrest at detention,” paliwanag ni Atty. Gaby. – FRJ GMA News