Hindi man tuwid ang kaniyang mga kamay at paa dahil sa kapansanan, hindi ito naging hadlang sa 22-anyos na si Angelo Arrazada, na gumawa siya ng sarili niyang scooter para matupad ang pangarap niyang makatapos ng pag-aaral.

Sa programang "Front Row," ikinuwento ni Anito Arrazada, tatay ni Angelo, na ipinanganak si Angelo na nakapilipit na ang mga kamay at paa sa dibdib.

Naisip nilang paoperahan si Angelo pero kulang sila sa pinansyal para magpatingin sa doktor. Lumapit din sila sa gobyerno pero hindi rin daw nila kaya ang gastusin.

Sinabi naman sa kanila ng gobyerno na kaya pa ng mga doktor na ibalik sa dati ang mga kamay at paa ni Angelo, pero hindi na nila maibibigay pa ang lakas sa binatilyo.

Kuwento ni Preciosa Arrazada, nanay ni Angelo, na unang pumasok si Angelo noon sa edad na 14 na isinasakay sa kalabaw. Tumagal ng isang taon ang pag-aaral ng binata pero habang lumalaki, hindi na siya kayang buhatin ng kaniyang ina.

Gusto ni Angelo ng Lunes hanggang Biyernes na pagpasok dahil hindi raw siya natututo kung isang beses sa isang linggo lang papasok, kaya nabigyan siya ng wheelchair. Pero hindi rin niya ito madalas ginagamit dahil ayaw niyang may magtutulak pa sa kaniya.

Kalaunan, nahirapan ding sumakay ng kalabaw si Angelo at muntik pa siyang mahulog kaya mga limang taon siyang hindi pumasok.

Ngunit dahil sa kagustuhan niyang makapag-aral at makatulong sa mga magulang, gumawa siya ng sarili niyang scooter mula sa mga gulong ng wheelchair at tira-tirang kahoy.

Iniisip daw ni Angelo kung paano niya gagawin ang kaniyang scooter bago siya matulog, kabilang ang hugis at sukat para makabalanse siya sa sasakyan. — Jamil Santos/MDM, GMA News