Ang conjunctivitis o sore eyes ang isa umano sa mga nakitang unang sintomas nang magkaroon ng COVID-19. Ngayon na patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng virus sa bansa, papaano nga ba mapapangalagaan ang mga mata na isa sa mga posibleng daanan ng virus?

Sa espesyal na edisyon ng "Sumbungan ng Bayan," nagbigay si Dr. James Abraham Lee, opthalmologist, ng ilang tips kung paano mapangangalagaan ang mga mata at makaiwas sa conjunctivitis o sore eyes.

Ang mga sintomas umano ng sore eyes ay ang pagluluha, pagmumuta, pamumula ng mata at maaligasgas ang pakiramdam.

Kadalasan umano na dala ng virus na kusang gumagaling pagkaraan ng dalawang linggo ang sore eyes. Para gamutin, gumamit ng cold compress o malamig na dampi sa mata na tatagal ng 10 hanggang 15 minuto, tatlong beses kada araw, o kung kaya ay mas madalas pa.

Iwasan itong hawakan at laging maghugas ng kamay na gamit ang sabon o pang disinfect.

Dahil maaari ding maipasa ang virus sa paghawak sa bagay, ipinapayo ang pag-disinfect sa mga gamit, at iwasang gamitin ang mga ginamit ng taong may sore eyes.

Ipinayo rin ni Dr. Lee na huwag munang gumamit ng contact lens at magsuot na lang muna ng salamin. Ipahinga rin ang mga mata kung madalas gumagamit ng computer at smart cellphone.

Kapag may nararamdamang iba pang sakit tulad ng lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga bukod sa sore eyes, magpatingin na sa doktor. Panoorin ang buong pagtalakay sa paksa at tips sa video. --Jamil Santos/FRJ, GMA News