Ngayong nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon, hamon sa atin na panatilihing malusog ang ating isipan lalo pa't mas lumalala ang banta ng COVID-19 at dumarami ang mga tao na nagkakaroon nito.
Paano nga ba natin mapangangalagaan ang ating mental health?
Sa "Sumbungan ng Bayan," ipinaliwanag ni Prof. Nephtaly Botor ng Department of Human and Family Development Studies ng UPLB College of Human Ecology na normal lang na makaramdam ng lungkot, pagkabalisa, pangamba, pagkalito, takot o galit ngayong nahaharap ang bansa sa krisis.
Ipinayo niyang makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan tulad ng pamilya, at panatilihin ang koneksyon sa kanila sa pamamagitan ng tawag, text, e-mail o social media.
Kung patuloy na nababahala, makipag-usap sa mental health professionals o propesyunal na grupo o ahensiya na naghahatid ng online support, o leader ng komunidad.
Maging updated sa mga balita tungkol sa COVID-19, pero mangalap lamang ng mga impormasyong makatutulong sa krisis, at tiyakin ang kredibilidad ng mga impormasyon. Iwasan ding manood ng mga coverage na lubhang nakababalisa.
Gamitin din ang oras sa tahanan para sa mga hobby na hindi nagagawa, at siguruhing hindi lang online activities ang ginagawa.
Panoorin ang buong talakayan.
—Jamil Santos/LBG, GMA News
