Isang malaking dagok ang ibinigay ng COVID-19 sa isang pamilya nang magpositibo sa virus ang isang ginang, kaniyang mister, anak, mga kapatid at kanilang mga magulang. Bukod sa paglaban sa buhay, malaking problema rin ang halos P4 milyon na gastusin nila sa ospital.

Sa "Juan Love" ng GMA Public Affairs, sinabing hindi inakala ni Des Centeno-Escobedo, isang staff sa Kongreso, na malalagay sa panganib ng COVID-19 ang 63-taong gulang niyang ina na si Nanay Delia, na nagtatrabaho rin bilang staff ng isang congressman.

Nagsimula ito nang kumuha ng SAP nitong Hulyo ang kanilang yaya. Nilagnat ito pagbalik ng bahay, na sinalubong ni Nanay Delia.

Matapos ang dalawang araw, nagpakita na ng sintomas ng COVID-19 si Nanay Delia.

Habang palala ang kalagayan ni Nanay Delia, nagkasakit na rin ang iba pang miyembro ng pamilya ni Des, kabilang ang kaniyang tatay, dalawang kapatid, pati ang kaniyang bayaw at pamangkin.

Magkaiba man sila ng bahay ng kaniyang mga magulang, tila pumasok na rin ang COVID-19 sa tahanan nina Des.

Nagsimula siyang mawalan ng panlasa at pang-amoy, habang nilagnat ang dalawa niyang anak at ang asawang si Edward.

Bago naman lumabas ang kanilang swab test, isinugod na si Nanay Delia sa ospital noong Agosto 16.

"Hindi na po conscious 'yung isip niya, kung anu-ano na pong lumalabas sa bibig niya, hindi niya na po alam. Tapos minsan po kumakanta na siya nang bigla-bigla tapos hindi na po talaga siya nakakatayo," kuwento ni Des.

"Kinabahan na rin po talaga kami lalo senior po siya tapos may diabetes po siya," dagdag ni Des.

Hanggang sa si Edward naman ang isinugod sa ospital. Sa ika-10 araw ng asawa niya sa ospital, nagha-hallucinate siya.

Ang kaniyang Tatay Pascual naman, na-confine sa ospital noong Agosto 21.

"Nag-break down po talaga ako, sobrang na-depress ako, iyak lang ako nang iyak," sabi ni Des.

Nitong Setyembre 6, lumabas na positibo si Nanay Delia sa COVID-19. Sinundan pa ito ng positibong resulta ng dalawang kapatid ni Des, ngunit itinuring mild cases lang.

Lumabas din na positibo si Edward at isa nilang anak.

"Doon medyo nadudurog 'yung puso ko. Deep inside, 'Sana Lord, ibigay mo na sa akin lahat. Kaya ko naman eh,' sabi ko, 'Huwag lang 'yung bata,'" sabi ni Edward.

"'Bakit kami?' ganiyan, pero ayoko kasing manisi na, wala eh. Kung sinu-sino na ang tinatawagan ko, parang baliw na yata ako, hindi ako nagkakakain, hindi ako nakakatulog, dasal lang ako nang dasal kasi gusto ko nang matapos ito," sabi ni Des.

Lumobo rin ang kanilang mga bayarin, na umabot na sa halos apat na milyon. Kaya kinailangan nilang magbenta ng mga ari-arian.

Sa kabila ng pagsubok, pinangkapitan ng pamilya nina Des ang kanilang pananampalataya.

Agosto 27 nang ma-discharge ang kaniyang tatay, habang naging COVID-19 free ang kaniyang mga kapatid.

Bumuti na rin ang kalagayan ni Edward. Pagka-discharge ni Edward sa ospital, nag-negatibo na rin ang kanilang anak.

Setyembre 14 naman nang ilabas sa ICU si Nanay Delia at inalis na rin ang mga tubo sa kaniya.

Tunghayan at kapulutan ng inspirasyon ang katatagan ng pamilya ni Des sa pagsubok na dulot ng COVID-19 sa video na ito ng "Juan Love." --FRJ, GMA News