Laking pasasalamat ng isang OFW na caregiver sa Riyadh, Saudi Arabia nang matawagan siya ni Kuya Wil sa "Tutok To Win" dahil may maipapadala na siyang pera sa tiyuhin na maysakit sa Davao.

Ayon sa OFW na si Flor, naapektuhan din ng COVID-19 pandemic ang kaniyang trabaho at nais na sana niyang umuwi sa Pilipinas pero hindi pa nakokompleto ang kaniyang mga dokumento.

Dahil sa kawalan ng regular na trabaho, wala umano siyang maipadalang perang pangsuporta sa kaniyang mga kapatid at maging sa kaniyang tiyuhin na nasa banig ng karamdaman.

Kaya naman ang hiling niya, ipadala na lang sa kaniyang tiyuhin ang halagang ipagkakaloob sa kaniya ni Kuya Wil.

Idinepensa naman ni Kuya Wil ang ginagawa niyang pagtawag sa mga OFW na nasa abroad, maging ang nasa mayayamang bansa, dahil sila man o ang mga kaanak nila ay nakararanas din ng problema dulot ng  COVID-19 at dapat din malaman ang kanilang buhay. Panoorin.

--FRJ, GMA News