Maraming negosyante ang pinaluhod ng COVID-19 pandemic, at mayroon ding mga pinalad na makaahon at nakamit ang tagumpay.
Sa "Pandemic Millionaire" report ni Darlene Cay sa "Brigada," sinabing mula sa P5,000 na puhunan, certified milyonaryo na ang magkasintahang sina Mark Tay at Nicha Laurio, mga may-ari ng ukay-ukay na "Future Rare."
Naabot nila ito sa edad 26 at 22 pa lamang.
Bago nito, naging "risk taker" sina Macoy at Nicha at sinimulan ang ukay-ukay mula sa kanilang P5,000 na allowance.
Dumaan ang kalbaryo ng pandemya dahil walang pumapansin sa kanilang negosyo.
Nagduda rin si Nicha kung tama ba ang kanilang pinasok, at nagbigay na sila ng ultimatum sa kanilang mga sarili.
Gayunman, hindi sumuko si Macoy.
"Kahit na matumal, basta gusto ko 'yung ginagawa ko, nandoon 'yung passion na ginagawa ko sa araw-araw, mas okay sa akin," sabi ni Macoy.
Hanggang sa pinilahan na ang kanilang negosyo, at bumenta ang kanilang branded na fashion finds.
Sa pagdating ng swerte sa negosyo, nagkaroon naman ng alat sa kanilang relasyon. Ayon kay Nicha, nasubok ang kanilang relasyon ni Macoy nang humawak na sila ng malaking pera.
Nalagpasan nila ito, at ngayo'y kumuha na sila ng mga reseller.
Samantala, isa na ring certified milyonarya si Dominique Alonso, owner ng takoyaki business na King Bomb, sa edad 24.
Nagawa niya ito sa loob ng anim na buwan.
"Bago ako napunta sa ganoong sitwasyon na masaya ka, dumaan muna ako sa mahihirap na stage," sabi ni Dom.
Binuksan ng second year political science student na si Dominique ang kaniyang Takoyaki Bomb business noong Setyembre 2020 sa kalagitnaan ng pandemya.
Binenta ni Dom ang ilan niyang personal na gamit para simulan ang kaniyang negosyo na may puhunang P50,000.
"Kasi mahirap ang buhay eh. Kung hindi ka magiging practical, walang mangyayari. Ayoko namang umasa nang umasa sa parents ko dahil alam ko 'yung hirap na kumayod," sabi ni Dom.
Naging hamon kay Dom ang pagsasabay ng pagiging working student at kaniyang negosyo, at may panahong halos lugi pa ang araw sa kaniyang kinita dahil walang bumibili.
Gayunman, ginamit niya itong inspirasyon, kaya sa loob ng dalawang buwan, nabawi na niya ang kaniyang puhunan. Matapos ang anim na buwan, nakuha na niya ang kaniyang milyong kita.
Kumikita si Dom ng P8,000 kada araw, at nakapagpundar na rin siya ng isang negosyo dahil sa kaniyang takoyaki business.
Nakakatulong na rin siya sa mga kapwa niya working student para kumita rin habang nag-aaral.
Tunghayan at kapulutan ng inspirasyon ang kanilang kuwento sa video ng ito ng Brigada. --FRJ, GMA News