Hindi buko, hindi suha pero...calabash siya. Ito ang prutas na galing sa Central Amerika at nakarating sa Pilipinas. At ang benepisyo raw ng calabash sa kalusugan, hindi raw basta-basta.

Sa programang "Pinoy MD," may taglay umano na vitamin C, calcium, iron, sodium at potassium ang calabash na pampalakas ng resistensya.

Itinuturing miracle fruit umano ang calabash dahil na rin sa hatid nitong pakinabang sa kalusugan ng tao.

Sa farm ni Ramon Santos sa San Isidro, Nueva Ecija, makikita ang nasa 200 puno ng calabash na nagsimula lang noon sa maliit ng tangkay.

Hindi gaya ng ibang prutas, low maintenance o hindi raw mahirap alagaan ang calabash. Kailangan lang itong diligan at buong taon daw kung mamunga.

Nabibili ang bunga nito sa halagang P50 hanggang P150 kada piraso depende sa laki.

Bukod sa puwedeng kainin ang laman ng prutas, puwede rin itong gawing juice.

Kailangan lang kunin ang laman ng calabash at pakuluan ng mula 30 minuto hanggang isang oras para lumabas ang mangitim-ngitim na katas.

Pagkatapos, puwede nang hanguin ang kalabash at pigain para makuha ang katas. 

Ang isang calabash na may bigat na anim o pitong kilo, maaaring makalikha ng dalawang litro ng calabash juice.


Si Mang Nelson, isa sa mga naniniwala na maganda ang naidulot  sa kaniya ng calabash juice.

Dati raw siyang may asthma pero hindi na raw ito umaatake mula nang uminim siya ng calabash juice.

Ang iba pang panatiko ng calabash juice, may kani-kanila ring kuwento. Panoorin ito sa video ng "Pinoy MD."


--FRJ, GMA News