Hindi lang e-sabong ng mga manok ang umusbong na sugal nang magkaroon ng pandemya. Dahil sumulpot din ng e-sabong ng mga gagamba, na ang iba ay umaabot daw sa daan-daang libong piso ang pustahan. At mga panlabang gagamba, pinapainom pa ng bitamina at steroids.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa Reporter's Notebook, makikita ang pagkondisyon ni Adam Caleja sa mga alaga niyang gagamba para sa isang friendly game o "ulutan" laban sa gagamba ng kaniyang kaibigan.
Pinaiinom ni Caleja ng bitamina at steroids ang mga gagamba para mas mapataas pa ang tiyansa nito na manalo, bago sumabak sa gradas o customized ring.
Si Michael Agellon naman, dumadayo pa sa ibang lugar para makipag-ulutan, hanggang sa siya na ang nag-oorganisa ng mga derby o labanan ng mga gagamba.
Dahil dito, nahilig na rin ang anak niyang si Kate na mag-train ng mga gagamba, na kaniyang content sa kaniyang online vlog.
Ang laban o derby ng mga gagamba, puwede na ring mapanood sa social media online at puwedeng tumaya ang mga manonood.
Mas malaking pera ang sangkot sa mga online derby kaysa ulutan, na umaabot ng daan-daang libo ang mga tayaan.
Pero babala ng Philippine National Police, ilegal ang spider derby.
"Lahat ng klase ng laro o game, basta ito ay hinaluan na ng pustahan in any form, whether pera or any article of value ay considered na po itong illegal gambling, under PD 1602. At lahat ng indibidwal na mahuhuli na engaged sa any forms of illegal gambling ay may kahaharaping kaso," sabi ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP.
Kung tutuusin, ilang operasyon ng sabong ng gagamba ang sinalakay ng mga awtoridad sa mga nagdaang taon.
Ang ilang kolektor ng gagamba, hindi sa lokal kundi nag-i-import pa mula sa ibang bansa.
Ayon kay Atty. Vincent Philip Maronilla, tagapagsalita ng Bureau of Customs, maaaring makulong ang sinomang magtatangkang maglabas o magpasok ng exotic na mga insekto at hayop na ipinagbabawal ibenta.
Panoorin sa Reporter's Notebook ang iba't ibang kolektor ng mga gagamba, at kung paano nila ito inaalagaan para ihanda sa mga ulutan.-- FRJ, GMA News